Thursday, October 23, 2008

Jennylyn, may utang daw sa alalay!

Jun Lalin
Abante Tonite


MUKHANG hindi kaagad maaayos ang gusot sa pagitan ni Becky Aguila at ng dati niyang alalay/production assistant na si Mel Pulmano.

Nakatanggap ako ng text message mula kay Mel, ang itinuturong nakialam sa mga cheke ng alaga ni Becky na si Jennylyn Mercado at nagpa-rediscount ng mga ‘yon.

Sinasabi ring pinakialamanan ni Mel ang talent fees nina Valerie Concepcion at Joross Gamboa na mga alaga rin ni Becky.

Narito ang text message sa akin ni Mel:

“Wala pong katotohanan ang mga paratang nilang nagnakaw raw po ako. Wala po sa akin at hindi ko rin ginamit ang pera ni Valerie Concepcion.

“Wala rin po sa akin at hindi ko rin po ginamit ang pera ni Joross Gamboa.

“Wala rin akong ninakaw kay Jennylyn Mercado. Siya pa nga po ang may utang sa akin sa mga abono ko sa mga gastusin niya sa house.

“Isa lang po akong tauhan na sumusunod sa mga ipinag-uutos.

“Simple lang po ang aking pamumuhay. Ang mga naglalabasang mga balita tungkol sa akin ay malinaw na paninirang puri at naaawa ako sa mga anak ko na masyadong naaapektuhan sa mga ipinalalabas sa news.

“Sasagutin ko po ang lahat ng paratang sa tamang venue at hindi sa paraang malisyoso na ginagawa nila.

“Ang aming attorney ay gumagawa na ng mga legal na hakbangin upang mapangalagaan ang aming karapatang pantao.

“Sa mga taong nagtitiwala at nagmamahal sa akin at sa aking pamilya, handog kayo ng Diyos sa amin. Thank you sa inyong suporta.”

Sinubukan kong tawagan si Becky Aguila para kunin ang kanyang panig sa text message na ipinadala ni Mel, pero hindi siya sumasagot sa mga tawag ko.

Tinext ko si Becky, pero pina-forward lang niya sa kanya ang text message ni Mel.

Sinubukan kong tawagan uli si Becky after na mai-forward ko sa kanya ang text message ng dati niyang P.A., pero hindi pa rin siya sumagot.

Bukas ang mga pahina ng Abante TONITE para sa reaksyon ni Becky kaugnay ng text message na ito ni Mel.

***

0 Comments:

Post a Comment

<< Home