Saturday, November 08, 2008

Jennylyn itinuloy ang pagpunta ng Amerika

SHOWBIZ MISMO Ni Cristy Fermin
Saturday, November 8, 2008

Sa aming pag-aanalisa na parang imposibleng maging peke lang ang mga pirma ni Jennylyn Mercado sa mga tsekeng ipinare-rediscount ni Mel Pulmano dahil na-good ang mga yun at in-honor ng banko ng aktres ay hindi kami sinagot ni Becky Aguila sa pamamagitan lang ng mga salita.

Sa halip ay pinadalhan niya kami ng kopya ng mga tseke niya at ni Jennylyn na may authentic na pirma (sa pamamagitan ng mga return checks) at ng kopya ng mga tseke nila na diumano’y pineke lang ni Mel ang mga pirma.

Habang isa-isa naming pinagkukumpara ang mga pirma ay nagmistula kaming signature verifier ng banko, talagang sinisipat namin nang malapitan ang mga pirma, wala kasing magkaparehong pirma kapag dalawang magka­ibang tao ang sumulat nun.

Imposibleng magkapareho ang pirma kapag dalawang magkaibang kamay ang gumawa nun, siguradong merong magiging pagkakaiba, kundi man sa haba at igsi ng mga letra ay sa diin at sa gaan naman ng strokes nun.

Nakita na namin nang harap-harapan ang mga tsekeng orihinal ang mga pirma nina Becky at Jen at ang mga sinasabing peke lang, may karapatang maghabol sa bangko ni Jennylyn ang kanilang kampo, malaki ang diperensiya ng mga ebidensiyang pirma.

Ang magiging proseso ngayon ay hahabulin nina Becky at Jen ang banko, hahabulin naman ng banko si Mel, hanggang sa maibalik na ang kinaing pondo sa account ni Jennylyn Mercado.

Madaling makita ang pagkakaiba, may mga kulang-kulang na elemento ang pinekeng pirma, halatado ring ginaya lang yun, pero anumang panggagaya ay malapit lang, pero hindi plakado.

Talaga palang mahaba pang proseso ang tatakbuhin ng kasong ito, kumplikado ang mga detalye, maraming kailangang patunayan sina Becky at Jen na may kailangan namang depensahan ni Mel Pulmano.
* * *

Ang sinagot ni Becky Aguila sa pamamagitan ng mga salita ay ang malaking tampo sa kanya ng ilang manunulat na nasaktan sa laman ng kanyang official statement kamakailan kung saan sinabi niya na cruel daw ang mga ito.

Ayon kay Becky ay basta na lang daw siya hinusgahan ng mga ito nang hindi man lang siya tinatanong muna tungkol a mga detalye ng kaso nina Jen at Mel, pinalabas daw siyang sinungaling ng dating road manager ng kanyang alaga.

“Nung sabihin ko yun, I didn’t mean the entertainment press, hindi sila, iba ang pagkakaintindi nila sa sinabi ko, they got me wrong. Ang sinasabi kong unfair, yung isang talk show na ininterbyu si Mel, pero they didn’t give me enough chance to give my side of the story.

“Sorry kung nasaktan ko sila, they have a reason to get hurt, hindi ko kasi sinabi specifically kung kanino ako nagtatampo dahil sa unfair treatment na ibinigay nila sa akin,” mapagkumbabang pahayag ng manager.

Kahit daw kailan ay hindi siya nagtampo sa mga reporters dahil pinakikinggan naman ng mga manunulat ang kanyang mga pahayag, walang dahilan sabi ni Becky, para magtanim siya ng sama ng loob sa mga entertainment press na nakatuwang niya sa pagpapaunlad ng career ng kanyang mga alaga.

‘Yung ganung paliwanag ng pagpapakumbaba ay pinahahalagahan namin, sino naman ang hindi makakaunawa, kapag ganun kalinaw ang pagtanggap ng isang tao sa kanyang kakapusan?

Nag-aalala lang daw siya para sa kanyang ina at mga anak dahil sa ginawang presentasyon ng naturang talk show tungkol sa isyu sa kanila ni Mel, sobrang negatibo raw siyang lumabas pagkatapos ng naturang segment, kaya gusto niyang makabalanse naman.

Sumusumpa si Becky, “I’m clean, malinis ang kunsensiya ko sa issue na ito. Hindi ako ang dapat maipit dito, victim ako na tulad ni Jen, kami ang dapat mabigyan ng justice,” sabi pa ng manager.

Dapat sana’y aalis sila ni Jen kahapon papuntang Amerika, pero ang aktres lang ang tumuloy, kailangan daw muna niyang ayusin ang mga detalye ng kasong isasampa niya laban kay Mel Pulmano.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home