Tuesday, November 04, 2008

Written by Lolit Solis
November 3, 2008

NAPANOOD N’YO NU’NG Linggo ang unang episode ng Dear Friend nina Mark Herras at Jennylyn Mercado? Nakikita pa rin ang chemistry nila at iba talaga ang love team nila at ‘yun pa rin ang inaabangan ng mga fans.


Nang tinanong nga si Mark kung posibleng magkabalikan ba sila ni Jennylyn, ayaw raw niyang magsalita nang tapos pero open naman daw siya sa ganu’ng ideya. Malay nga natin, baka mabalik ang dating pagtitinginan, dahil mukhang may kasunod agad silang project pagkatapos nitong Dear Friend.


Dito kasi makikita kung may lakas pa rin ang love team nila, na tingin ko naman nandiyan pa rin dahil marami naman ang nakapanood nito.


Kung si Jennylyn ang tatanungin, ayaw raw muna niya. Grabe na raw ang pinagdaanan niya nang ma-in love ito, kaya sa kanyang anak at trabaho na raw siya magko-concentrate at matagal pa raw siyang mai-in love muli.


Ngayon kasi, full-time mother siya na talagang hands-on daw ang pag-aalaga niya kay Alex Jazz. Ngayon lang daw niya tinitigilan ang breast-feeding dahil nagsisimula na siyang magtrabaho. Baka mahirapan naman daw ang anak niya kung nasa trabaho siya at kailangang niyang umuwi para magpa-breastfeed.


Talagang tuluyan nang binura ni Jennylyn si Patrick sa buhay niya, dahil ayaw na ayaw na niya itong pag-usapan. Wala na raw ito sa picture at matagal na raw tapos ang ugnayan nila ni Patrick, kaya kaagad niyang tinatapos ang usapan kapag si Patrick na ang itinatanong.
Si Mark naman, walang love interest ngayon dahil gusto niya sa trabaho na rin muna mag-concentrate.


Pinagsabihan na nga ito ng mga executives ng GMA 7 na magpalaki ng katawan dahil tapos na raw ang pa-cute na tambalan nila ni Jennylyn. Ang susunod daw nilang project ay medyo daring at matured role na ang gagampanan nila, pero hindi pa naman daw magpapa-sexy.
Sa susunod na Linggo pala ang huling episode ng Dear Friend nilang dalawa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home