Friday, November 27, 2009

Abu Tilamzik

Finally, napag-usapan namin ni Jean Garcia ang tungkol sa pinagdaanan niyang trauma­tic na karanasan dulot ng bagyong Ondoy.

Nakatsikahan namin si Jean sa presscon ng Ang Darling Kong Aswang na entry ng OctoArts at M-Zet Productions sa Metro Manila Film Festival.

Ang isa sa ipinakiusap ni Jean ay huwag na sanang lagyan ng isyu ang hindi pagka-rescue sa kanila dahil tapos na iyun at ayaw na niyang pag-usapan iyun.

Nilinaw kasi namin kay Jean kung totoo itong nakarating na balita sa aming may ilang pulitiko na dumating doon para mag-rescue sa mga na-trap sa baha pero pinili ang mga tinulungan nito at hindi man sila pinansin.

Itinanggi ito ng aktres dahil nagpapasalamat pa rin siya na safe silang mag-anak.
Kahit hindi sila na-rescue at naghintay lang sila na bumaba ang tubig, walang masamang nangyari sa kanilang lahat.

Malaki ang pasasa­lamat ni Jean kay Jennylyn Mercado at kay Mommy Lydia dahil sila ang nag-asikaso sa kanila pagkatapos nilang makalabas ng bahay.

“Kinikilabutan ako kapag naaalala ko iyun. Kasi, sila talaga ang nag-asikaso sa amin. Pag-akyat namin sa village nila, sila ang nag-asikaso sa amin.

“Hindi lang kami, pati mga kapitbahay namin na wala ring matulu­yan nu’ng oras na iyun. Napakabuting pamilya ng pamilya ni Jennylyn,” pahayag ng aktres.


Ang isa pang ipinagpasalamat ni Jean ay nakauwi siya ng bahay pagkatapos ng taping ng Stairway to Heaven.

“Nagpapasala­mat ako sa Panginon na nandu’n ako. Kasi, halimbawa, hindi pa ako nakauwi galing taping at hiwalay kami, nandu’n sila at alam kong in danger ang mga anak ko, tapos ako safe, baka tumambling ako nang bonggang-bongga. Promise!
“Kaya alam ko ang feeling ni Jigo (Garcia) na hirap siya na wala siyang magawa para matulungan kami. Tumutulong siya sa iba nu’ng time na iyun pero kami, hindi kayang tulungan.

“Pero okay pa rin, kasi, may mga natulu­ngan siya, at proud si Jenica sa tatay niya. At least, marami silang natulu­ngan na proud kami ni Jenica kay Jigo sa ginawa niya iyun,” patuloy ni Jean.

Nakalipat na ng bahay si Jean at nagsisimula na naman daw sila ng panibagong buhay pagkatapos ng mga trahed­yang pinagdaanan nila.

“Dinadasal ko na lang sa Diyos na sana, tama na. Huwag na sanang maulit ‘yung Ondoy ever, please, ‘di ba?

“Napaka-traumatic talaga. Hindi lang para sa amin, kundi sa mara­ming kababayan natin,” pagtatapos ng aktres.