Saturday, November 07, 2009

Pagkatapos makulong ng dating PA ni Jennylyn Mercado na si Mel Pulmano, nagkita na sila kahapon sa hearing ng kasong isinampa sa huli sa sala ni Judge Vivencio Baclig ng Branch 77 ng QC-RTC.

Nagkaroon ng arraignment sa hearing pero hindi pa napag-usapan o napagdesisyunan ang Motion to Bail para kay Mel. Kaya balik pa rin sa kulungan si Mel.

Kamakalawa ay nasa autograph-signing ng FHM si Jennylyn at iniiwasan niyang pahabain pa ang isyu sa kanila ni Mel.

Gusto lang daw ni Jennylyn na patunayan ni Mel kung totoong nagkausap sila noon at kung ano itong mga katotohanan na laging sinasabi ni Mel sa mga interview nito.

Sabi naman ni Mel, natatakot lang si Jennylyn kay Becky Aguila kaya ayaw nitong magsa­lita dahil alam daw nito ang buong katotoha­nan.

Kahit si Mommy Ly­dia ni Jennylyn ay hinahamon na rin si Mel na magsalita na kung ano ang totoo, kung may kinalaman ba si Becky sa mga kasong isinampa laban sa kanya o wala.

Kung meron mang ibubunyag si Mel, dapat magsalita na raw ito.

Si Jennylyn naman ay ipinaubaya na sa abugado niya ang naturang kaso kaya ayaw niyang sagutin ang iba pang mga pahayag ni Mel.

Ang isa pang aya­w pag-usapan ni Jennylyn ay ang tungkol sa kanila ni Patrick Garcia, na ilang beses na nagpahayag na gusto na nitong makita ang kanilang anak na si Alex Jazz.

Matindi ang huling statement ng young actress na wala siyang ba­lak na ipakilala si Patrick bilang ama kay AJ.

“Matagal na po kasi siyang burado, as in close na,” mariing pahayag ni Jennylyn at may pahabol pang tapos na ang relasyon ni Patrick sa kanyang anak.

Kapag dumating ang araw na mag-asawa siya, itong lalaking pakakasalan niya ang ipapakilala niyang ama ni AJ.

Kapag malaki na ang kanyang anak at magtatanong na ito, hindi niya itatago ang katotoha­nan, pero nilinaw ni Jennylyn na ang ipapa­ngalang ama sa kanyang anak ay ang lalaking pakakasalan niya. Ipapa-adopt niya ito sa magiging asawa niya.

“I’m sure, darating din ang time na maghahanap na si AJ ng father-figure. Iyun na ang ipapakilala ko, kung sino man ang magiging future husband ko. Kasama na iyan sa future plans ko,” dagdag na pahayag ni Jennylyn.

Halatang masama ang loob ni Patrick nang ipinarating namin sa kanya itong mga sinabi ni Jennylyn tungkol sa kanilang anak.

“Ang weird pero I don’t know. Huwag naman sanang ganu’n ka-mean,” sagot ni Patrick sa desisyong iyun ni Jennylyn.

“Ang gusto ko lang namang iparating, I may have failed in many things in life pero on being a father, give me a chance sana to prove ang pagiging father ko,” madamdaming pahayag ni Patrick.

Gusto man niyang gumawa ng paraan na magkausap sila at maaring magkaayos sila ni Jennylyn, mukhang hindi pa napapanahon at kung meron man siyang gustong iparating kay Jennylyn, mas mabuti raw sana na silang dalawa ang magkausap at hindi na niya ipadaaan sa mga interview sa telebisyon.

Abala si Patrick ngayon sa Full House at pinaghahandaan nito ang pag-alis nila patungong Prague para sa ilang eksena roon.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home