Saturday, January 16, 2010

Patrick, gagapang muna sa lusak bago makalapit sa anak

(ABU TILAMZIK)

HINDI pa nagbabago ng pasya si Jennylyn Mercado na off limits si Patrick Garcia sa kanilang anak na si Alex Jazz.

Sa story conference ng sinenobelang Gumapang Ka sa Lusak ay muling tinanong ang young actress, sakaling gumapang na sa lusak si Patrick ay patatawarin ba niya ito at pagbibigyan na makita at makilala ang kanilang anak?

Puwede niya kayang idayalog kay Patrick na gumapang muna ito sa lusak bago niya ipakilala ang kanilang anak?

“Puwede rin. Hahahaha!” sagot ni Jennylyn na iniiwasan nang pag-usapan ang aktor.

Sakaling gawin ito ni Patrick, magbabago na kaya siya ng pasya?
“Eh di go!” sagot uli ni Jennylyn.

Nagpasalamat ang young actress na hindi raw nangahas si Patrick na puntahan o kausapin siya nu’ng nakaraang Pasko para makita ang anak nito.

Masaya raw ang araw na iyun at gusto raw niyang sumaya lang at ayaw na niyang masira pa sakaling lumapit sa kanya si Patrick.

Pinag-iisipan ni Jennylyn na paglaki ng kanyang anak ay ikukuwento niya ang lahat na nangyari sa kanya nu’ng ipinagbubuntis pa niya ito.

Bahala na raw si AJ na magpasya kung kilalanin pa rin ba niya si Patrick bilang ama.

“Sasabihin ko sa kanya (AJ) ang lahat. Kung ano iyung mga pinagdaanan namin. Ayokong magsinungaling sa kanya at bahala na siya kung ano ang desisyon niya.

“Hindi ko iku-control ang emotions niya, bahala siya. Basta, sasa­bihin ko sa kanya ang totoo. Wala akong sisi­raan. Basta, sabihin ko sa kanya ang totoo,” paha­yag ni Jennylyn.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home