Jennylyn medyo weird ang feeling nang sumalang sa korte
(ABU TILAMZIK)
NATULOY ang pag-witness ni Jennylyn Mercado sa kasong isinampa niya laban sa dating road manager niyang si Mel Pulmano kahapon ng hapon sa sala ni Judge Vivencio S. Baclig ng Branch 77 ng QC-RTC.
Kahapon pa lang daw uli nagkita ang dalawa pagkatapos ng nangyaring gulo sa kanila halos dalawang taon na ang nakaraan.
Medyo weird lang daw ang feeling ni Jennylyn dahil ibang-iba raw pala ito sa ginagawa niya sa taping.
Umabot ng halos dalawang oras ang paglilitis at ang huling order ni Judge Baclig ay magkakaroon uli ng hearing sa Marso 30 para paupuin bilang witness si Becky Aguila kahit kinokontra na ito ng abugado ni Mel na si Atty. Cornelio Samaniego.
Ang punto ni Atty. Samaniego, Petition for Bail pa lang ang dinidinig at mukhang pinapatagal lang daw nang pinapatagal ng kampo ni Jennylyn ang paglilitis para patuloy pa ring nakakulong si Mel sa Camp Karingal.
Sinabi naman ng abugado ni Jennylyn na si Atty. Leilani Barceras na kailangan pa rin nila ang mga pahayag ni Becky dahil kasama ang affidavit nito sa isinumite nang isinampa nila ang kaso.
Pinagdiinan pa ng abugado ni Jennylyn na meron daw special treatment si Mel sa Camp Karingal, na pinabulaanan naman ng kabilang kampo.
“Okay naman ako, pero mahirap pa rin ang kalagayan ko dahil hindi ako nakakauwi at hindi ko nakakasama ang pamilya ko. Nakakulong pa rin ako,” pahayag ni Mel.
Medyo natatawa pa si Mel nang kinapanayam ito ng mga reporter dahil ang ibang pahayag daw ni Jennylyn ay kasinungalingan.
“Doon ko nakita kung gaano siya kasinungaling at ginamit niya ang pagiging artista niya sa korte,” patuloy ni Mel.
Sagot ni Jennylyn, “Kung magsisinungaling lang ako, bakit pa ako magpapakahirap sa pagpunta rito at ituloy ang kasong ito?”
Ang gusto lang daw ni Jennylyn ay mangibabaw ang katotohanan at dapat na mabigyan daw ng leksyon si Mel sa mga ginawa nito sa kanya.
Hanggang ngayon ay kung anu-ano pa raw ang mga sinasabi ni Mel kaya pursigido si Jennylyn na ituloy ang kaso.
***
Naitanong din kay Jennylyn ang kalagayan niya sa ilalim ng pangangalaga ng manager niyang si Becky Aguila.
Pinabulaanan ni Jennylyn ang kumalat na tsikang siya ang susunod na aalis sa kuwadra ni Becky pagkatapos ni Angel Locsin.
“Hindi po totoo iyan. Okay kami ni Tita Becky. Wala kaming problema,” sagot nito.
Nandiyan pa rin ang suporta niya kay Becky at may kontrata pa siya rito hanggang sa susunod na taon.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home