Tuesday, February 28, 2012



HINDI pa pala tapos itong mga kasong kinasangkutan ni Jennylyn Mercado at ng manager niyang si Becky Aguila, dahil sa mga ginawa noon ng dating PA nilang si Mel Pulmano.

Nadawit si Jennylyn sa kasong BP 22 na isinampa ng isang negosyante dahil sa mga inisyung tseke ni Mel gamit ang tseke ni Jennylyn at na-forge daw ang pirma nito.

Ang huling balita na narinig namin, hindi na raw isinali ng negos*yanteng iyun si Mel dahil nangako raw ito sa korte na siya na ang magbabayad paunti-unti sa tumalbog na tseke na umabot ng P1.3M.

Pero sa huling hearing nito nu’ng nakaraang linggo na dinaluhan nina Jennylyn at Becky, ibabalik na raw si Mel sa kakasuhan dahil ilang buwan na ang lumipas, wala pa rin daw naibigay na bayad si Mel.

Ayaw na lang magsalita ni Jennylyn pero napapai*ling na lang daw ito nang dineklara doon sa hearing na isasali uli si Mel.

Tumanggi na ring magkomento si Becky dahil nasa korte na raw ito at bahala na raw kung ano ang kahihinatnan ng kaso dahil hindi raw sila guilty sa kasong ito.

Wala na kaming balita kay Mel, pero mukhang nakabalik na siya sa dating trabaho na nagdadala ng talents sa mga drama series.

Nakikita namin ito minsan sa GMA 7 na may dalang talents.

Sa Mayo pa raw uli ang hearing nitong kasong hinaharap nila, pero ayaw nang isipin pa ito ni Jennylyn dahil mas gusto niyang positibong bagay na lang ang pansinin niya.

Excited ang aktres sa hosting niya sa Manny Many Prizes dahil ang susunod na episode nito ay gagawin sa Batangas.

Inaayos daw na mag-guest host si Gov. Vilma Santos at magkasama sila ni Jennylyn.

Sana, matuloy si Gov. Vi sa Manny Many Pri*zes dahil first time nilang magsama ni Jennylyn sa isang show.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home