Friday, April 13, 2012

Kakaibang Jennylyn Mercado sa 'Follow That Star'


FOLLOW THAT STAR: JENNYLYN MERCADO
Airing date: April 14, 2012

Ngayong Sabado sa Follow That Star, kakaibang Jennylyn Mercado ang mapapanood ng lahat. Sa unang pagkakataon, ipapakita niya ang napakarami niyang interes sa buhay. Sa mga hindi nakakakilala sa kanya, tiyak marami ang magugulat at mapapabilib dahil very passionate, talented at sports-minded pala si Jennylyn.

Bukod sa pag-aartista at pagiging nanay, ang dami pa pala niyang pinagkakaabalahan. Nariyan ang diving at underwater photography. Nahikayat daw siya ng kanyang boyfriend, ang aktor na si Luiz Manzano, na subukan ang mamahaling hobby. At dahil puhunan sa kanyang trabaho ang magandang pangangatawan, pinasok din ni Jennylyn ang mundo ng martial arts. Buong tapang siyang nakikipag sparring sa juijitsu. Hindi lang ‘yan,nag-enroll din siya sa dance lessons. Kahit aminadong parehong kaliwa ang kanyang mga paa, pinipilit pa rin daw niyang matuto sumayaw. Isa rin sa mga passion ni Jennylyn ngayon ay ang kanyang pagiging aktibo sa mga fun run, at hindi lang basta-basta dahil duathlon ang kanyang sinalihan. Isinama ni Jennylyn ang Follow That Star sa kakatapos na duathlon na ginanap sa Taguig kung saan kailangan niyang mag-bike ng mahigit tatlong laps at tumakbo ng anim na kilimetro bago makarating sa finish line.

Eksklusibo ring bubukasan ni Jennylyn ang kanyang dream house sa Follow That Star . Sa buong kabahayan, ang kusina raw ang paborito niyang tambayan, lalo na at nakahiligan niyang mag-bake ng cupcakes. Akalain ninyong ginagawa niya na rin pala itong munting negosyo.

Parang wonderwoman nga itong si Jennylyn sa dami ng kaniyang ginagawa. Hindi lang ‘yan, supermom pa. Bilang single mom, maalaga at hands-on si Jennylyn. Naabutan ng Follow That Star ang pagdating ng unico hijo niyang si Jazz galing sa kanyang eskwelahan, wala sa mood at iyak ng iyak ang bata. Kitang-kita kung paano nilambing ni Jennylyn ang kanyang anak.

Ang makulay na buhay sa likod ng camera ni Jennylyn Mercado ay mapapanood sa Follow That Star, 7:55 PM sa GMA News TV.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home